Sikreto Upang Hindi Mabilis Mapanis Ang Inyong Sinaing Kanin

Posted by

Sa mabilis na pagtaas ng mga bilihin sa panahon ngayon napakahalaga na matuto tayo kung paano makapag tipid at kung pano hindi masayang ang ating mga binibili o niluluto.

Ang simpleng pagpapanatili na hindi agad-agad mapanis ang ating sinaing kanin ay may malaking epekto sa ating pagtitipid at pag-iipon.

Kaya naman narito ang mga sikretong paraan na makakatulong upang hindi agad mapanis ang inyong sinaing kanin. Ito ay ibinahagi ng Secretary general ng Agham na si Feny Casico kamakailan sa program ng Unang Hirit mula sa Channel  7.

Unang sikretong paraan ay ang pag-gamit ng tamang uri at laki ng kaldero sa pagsasaing. Kung hindi karamihan ang inyong isasaing maaari kayong gumamit ng hindi kalakihan na kalderong pagsasaingan.

Pangalawa, Ang dami ng tubig na inilalagay sa kanin ay isa din sa maaaring makaapekto upang hindi ito agad mapanis. Kung ang inyong bigas na isasaing ay may kalumaan, makakabuti na dagdagan ng tubig ang inyong sinaing upang ito ay hindi tumigas.

Makakabuti din siguraduhing nahugasan ng maaayos ang inyong bigas na isasaing upang maalis ang mga bukbok at iba pang contaminants na siyang nakakapagdulot ng mabilis na dahilan upang mapanis ang kanin.

Makakabuti din na tignan at linising mabuti ang kalderong gagamitin sa pagsaing ng kanin upang masiguro na walang mikrobyo namamahay dito. Maaaring painitan saglit ang kaldero bago gamitin upang masiguro na wala ng mikrobyo.

Ang paglalagay ng suka sa sinaing ay nakakatulong din upang mapahaba ang buhay ng inyong sinaing at hindi mapanis. Siguraduhin lamang na hindi sosobra ang inyong ilalagay na suka sa inyong sinaing dahil maaari itong makaapekto sa lasa ng inyong sinaing. 

Nakakabuti na tansiyahing mabuti ang inyong ilalagay, maaaring maglagas ng isa o dalawang kutsarang suka.

Kung kayo ay nagtataka kung paano nakakatulong ang suka sa inyong sinaing upang hindi agad ito mapanis, ito ay dahil sa kakayahan ng suka na mapreserba ang inyong sinaing.

Kapag malapit ng maluto ang inyong sinaing makakabuti din na iaangat ang takip upang hindi makabuo ng maraming moisture sa loob ng kaldero na siyang isa din sa dahilan kung bakit mabilis mapanis ang sinaing.

Narito ang video mula sa Unang Hirit kung saan kanilang ibinahagi kung paano nga ba maiiwasan ang mabilis na pagkasira o pagkapanis ng inyong mga sinaing.

Kung sa inyong sinaing may mga moisture ngunit hindi pa naman ito nangangamoy sira o panis. Maaari niyo itong gawing sinangag kung saan kinakailangan niyo lamang itong gisahing kasama ng bawang.

Ang mga nabanggit paraan ay napakalaki ng maitutulong upang makatipid at makaipon. Kung kayo ay may iba pang alam na paraan, maaari niyo itong ibahagi din sa amin.